Post your rants and raves here!


Tagalugin natin ang batas

ni Joselito San Jose

Hindi ako abugado. Musmos pa ako'y pinagsabihan na ako ng aking tatay na kumuha ng kahit anong kurso 'wag lang abugasya. Katwiran niya, dahil ako raw ay "malapot ang utak" baka, ehem, maging magaling akong abugado at "kahit baluktot ay gawing tuwid".

Ang tatay ko'y inabot ng gyera habang nasa mababang paaralan pa lamang. Dahil namatay ang kuya niyang naggerilya, kinatulong siya ng aking lolo sa pagsasaka at di na nagawang bumalik sa iskwela. Nang siya na ang kasamá ng "propitaryo" (may-ari) ng bukid, doon niya naranasang paikut-ikutin sa hatian ng ani ng isang abugado na kumakatawan sa may-ari ng lupa sa pakikipag-usap sa mga magsasaka. "Ini-ingles pa ako, alam naman niyang di ako nakapag-aral", ika niya. "Pero kahit anong Ingles niya sa akin, malinaw naman na panlalamang ang gusto nilang mangyari ng propitaryo." Dito tumining sa isip niya na di-tunay na kagalang-galang ang propesyong abugasya. "Totoong magarang magbihis at makisig tumindig ang mga 'yan, pero arukin mo't maitim ang kalooban", ang hatol niya sa mga abugado.

Maaaring masabing dala lang ng kamangmangan kaya ganoon ang naging pagtingin ng tatay ko sa abugasya at mga abugado. Maaari ding masabing hindi marapat na hatulan niya ang buong propesyon ng abugasya nang dahil lang sa limitadong karanasan niya sa abugado.

Siguro nga. Pero di ko masisisi ang tatay ko, lalupa't napilitan siyang ipagbili ang isa naming kalabaw para lang may maiabot sa hingi-nang-hinging piskal na nag-asikaso ng pagtutumpak ng aking pangalan sa aking birth certificate. Gusto kasi ng tatay kong makuha ko ang aking diploma sa UP, na hindi mairi-release kung di-nagkakatugma ang pangalan ko sa mga dokumento. (Di ko pa rin kinukuha hanggang ngayon, mahigit isang dekada matapos akong di-dumalo sa graduation.)

Siguro nga, unfair ang tatay ko sa mga abugado. Pero masunurin siya sa batas. Bukod sa takot siya sa asunto dahil sa gastos at kasiraan sa pangalan namin, may simple siyang panuntunan na sa tingin niya ay maglalayo sa kanya at sa aming mga anak niya sa panghahalbot ng mahaba (raw) na kamay ng batas: Kung makakasama sa kapwa, 'wag gawin; di na baleng malamangan, 'wag na lang manlamang.

Sinasabi natin na ang batas ay ganito din ang panuntunan: 'wag tayong mang-aapi, wag tayong manlalamang. Tagalog lang ang bahagyang nababasa ng tatay ko kaya di niya masasabi kung ito nga ang laman ng batas, na nasusulat sa Ingles. Ako naman ay nakapagbuklat-buklat ng Local Government Code at Revised Penal Code para sa isa kong naging trabaho. Impresyon ko naman na nagtutugma ang panuntunang isinasabuhay ng tatay ko at ang pilosopiyang isinasapapel ng batas.

Muli kong nakausap ang tatay ko matapos ang may isang taong di namin pagkikita nitong nakaraang Pasko. Napagkwentuhan namin si Erap. Inamin niyang di niya masundan ang takbo ng bista sa senado dahil halong Ingles at Tagalog. Ang ginagawa niya, nakikinig siya ng komentaryo sa radyo. "Mukhang may katwiran si ___", sabi niya tungkol sa isang komentaristang hinahangaan ko sa husay maglubid ng palsong katwiran at kabalbalan.

Masakit, Kuya Eddie. Kung Tagalog lang ang usapan sa senado, sigurado akong buong-buong ikukwento ng tatay ko sa akin kung bakit sa tingin niya ay may isang mamang dapat mawalan ng trabaho. Mahusay naman kasing tumimbang ng katwiran ang tatay ko.

Di kaya natin pwedeng tagalugin ang batas? Matagal nang lugi ang tatay ko sa hatian, dati sa ani ng bukid, ngayon naman sa impormasyon at katwiran. Dahil lang pilit nating pilipit na ini-ingles ang "Huwag kang gagawa ng masama".



go back home