Post your rants and raves here!


Eraptus bokabularyus

ni Joselito San Jose

Bukod sa baka sakaling lumabas ang totoo, isang kabutihang dulot ng "Bistahan at Bistuhan sa Senado" ay ang regalo sa ating bokabularyo ng mga abogado.

Merong nababagot sa mga legal jargon na nagliliparang parang alipato ng nagbabagang uling sa loob ng Senado, kung saan tayangtang na iniihaw ang pagka-presidente at pagkatao ni Erap. Meron din namang natutuwa, gaya ng mga kukuha ng bar exam sa Setyembre: libreng bar review ang sneak preview sa laman ng mga ga-barkong bahay at bank account ni Erap. Sigurado ring merong natatawa sa mga pilipit na dila, o nayayamot sa mga pilipit na katwiran, ng ilan sa mga abugado at senador.

Pero habang natututunan natin ang kahulugan ng "subpoena testificandum et duces tecum", "stipulation", "quantum of evidence", atbp., marami ding makukulay na kataga sa Tagalog ang nagiging dekorasyon ng ating dila sa araw-araw nating satsatan at sitsitan tungkol kay Erap.

Mula sa mga nabibisto na sa Senado, nabubuo ang larawan ng isang Presidente na wala na yatang inatupag sa poder kundi ang magkamal ng yaman. Ang tawag natin dito ay "gahaman". Pero, ayon kay Chavit Singson, itong si Atong Ang ay nagsalita nang mas maanghang tungkol kay Erap: "sugapa sa pera".

Sabi pa rin ni Chavit, "kahit walking distance lang ang okasyon sa Malakanyang, ipinapakansel pa" ni Erap. Sa mga kwento nina Aprodicio Laquian, Karina David at kung sino-sino pang nagbisto sa dyaryo ng pamorningang inuman, walang katapusang parada ng litson, at sky-is-the-limit na madyungan sa Malakanyang at Greenhills, lumilitaw na laging puyat at pagod sa paggugudtaym si Erap. Kaya naman pala "tulog-mantika" sa umaga at animo'y "mantikang tulog" sa mahigit dalawang taon. Bulakbulero pala sa gabi at "talamak" yata sa bisyo.

Kung idadagdag natin sa kanyang obsesyon sa litson ang kahinaan ni Erap sa "karneng hilaw", masasambit natin ang mahirap-kaining "dayukdok sa laman".

Mula sa bokabularyo ng sugal, na puno't dulo ng pagkakapusoy ni Erap, marami tayong mabubuong tanong tungkol sa sitwasyon ngayon. "Marami pa kayang ilalabas na alas ang prosecution?" "One hit na sa Disyembre, maka-tong-its kaya sa Enero?" "May nakatago kayang joker na pang-trump ang defense?" "Pirmis kaya o primas ang taya ng mga senador?" "Swertihin kaya si Gloria at manalo nang walang taya?"

Matatapos ang sesyon ng mga sumusugal sa pulitika natin at matitigil ang ingay ng miron pag nakakubra ang Pinoy ng balatong resignation mula kay Erap. Pero malabo yatang mangyari 'to. Sabi ni Erap, di raw siya umaatras sa laban kahit dehado ang pitsa. Paano pa kaya kung malabo naman siyang ma-pong ng Senado? Mahigpit yata ang hawak ni Erap sa mga pitsa niya, kasama na ang isang "Tito Escalera". Mukhang mapapanis sa kahihintay ng kapares si Tito Guingona.



go back home