Kinalawang
ni Joselito San Jose
Mula nang paputikin ni Chavit ang bombang jueteng, inatupag na ni Erap ang paglilibot sa mga lugar na di-tinatagos ng matalinong diskurso tungkol sa ating buhay-publiko. Inilalako niya doon ang mga nirisaykel na nabasura niyang pangako sa bayan. Nambubulag siya ng mga desperadong naghihirap para pagtakpan ang pagkapisak ng kanyang liderato.
Katulong ni Erap sa pambubulag sa tao ang mga pulitikong naiwang nakasabit na parang linta sa nangangayayat at namumungay-sa-puyat na administrasyong Estrada. Madaling maintindihan kung bakit mahigpit kumapit kay Erap ang mga pulitikong ito. Ang mga ito ay walang ilusyon na respetado sila ng mga mamamayang nag-iisip, at sinasamantala ang pangangailangan ni Erap ng kakampi upang sumipsip ng katas na kanilang ipanlalangis sa mga botanteng nakukuha sa isang kilong bigas at isang latang sardinas.
Ang nakapanlalaki ng mata sa gulat ay ang mga kabig ni Erap, mga miyembro ng gabinete at ibang matataas na opisyal ng kanyang gobyerno, na karespe-respeto sana ang mga utak at pagkatao bago makabit kay Erap, pero ngayon ay napipilipit ang mga dila sa pagtatanggol sa kanilang amo. Nakakadismaya na kasama sila sa sumusuhay sa bandera ng mga manginginom sa kanto: "Walang iwanan!" Binabalot nila ang sarili ng "intellectual dishonesty", pero manipis na manipis sa ating mga mata ang tapis nila, kitang kita ang mga bilbil na nagpoprotesta: "Ibalik n'yo ako sa U.P. o sa N.G.O. Di ako macho, intelektwal ako!"
Malapit na akong maniwala na di-totoong ang talino ay di-nababawasan kung ibinabahagi sa iba. O na nakakahawa ang integridad. 'Yun naman ay kung nagtangka nga itong mga dating propesor at lider-aktibista na bahaginan si Erap ng lapot ng kanilang utak at tigas ng kanilang gulugod.
Maihahalintulad natin ang mga taong ito sa bakal na pinalambot ng kalawang. Madaling kalawangin ang bakal kung mamasa-masa. Hindi naman siguro sila "naambunan", pero ginisawan kaya sila ng malamig na pawis dulot ng pagnanasang manatili sa pwesto mula nang masandal sa pader ng Malakanyang?
Nang ang pader na ito ay waratin ng bomba ng jueteng, nalantad sa mata natin na ang pampatigas pala ng pader ay hindi bakal kundi patpat na kawayan. Oras na lang ang binibilang at babagsak na ang palasyong suportado ng pader na yan. Ang mga tuod na kalawanging bakal na nakasandal sa pader ay siguradong kasamang tatabunan at yuyupiin ng napipintong pagguho.
May huhugot kaya sa kanila mula sa guho? May bibili kaya sa kanila kahit bilang "scrap metal"?