Paloloko ba Tayong Muli sa mga Desperadong Kampon ni Erap?
by ekspat.com
Mga kapwa namin Pilipino,
Bigyan naman natin ng kaunting dignidad ang ating mga
sarili at tapusin na ang pambababoy sa ating mga
sarili ng mga katulad nina Miriam, Enrile at mga
desperadong kakuntsaba nila. Pinagtabuyan at minaliit
na ni Miriam ang ating pagka-Pilipino. Kung anu-ano
ring klase ng pagbabantang walang katuturan ang
sinawalat niya, anong kabaliwan pa ba ang kailangan
natin para magising sa katotohanang ginagago lang tayo
ng mga trapong tulad niya habang nagpapanggap na
kampyon ng masa? Kampon ng lagim siguro ang ibig
niyang sabihin.
Paniniwalaan pa rin ba natin siya kasama ng ilan pang
mga trapo at didinggin ang panawagan nilang pumunta
tayo ng EDSA? Maawa naman tayo sa kinabukasan natin
bilang Pilipino at bilang matitinong tao.
Hindi pa rin ba tayo natuto sa dinami-dami ng mga
kasinungalingan at pagpapanggap ni Enrile bilang
bantay (salakay) ng bayan? Arkitekto ng Martial Law,
dagdag-bawas na senador, at isa sa mga pumigil na
ilabas ang ebidensya laban kay Estrada sa kasong
pagnanakaw. Siya ba at si Miriam ang klase ng mga
taong papanigan natin? Anong klaseng Pilipinas ang
paglalagyan natin sa kamay ng mga katulad nila?
Kailan tayo uusad bilang bansang malaya at maunlad
kung patuloy tayong magpapaloko sa mga kurakot na
pangulo, kroni, magnanakaw, at imoral at mapagpanggap
na mga lider? Pag-aaksayahan ba natin ng panahon ang
mga akusadong mangungulimbat ng pera ng bayan? Anong
klaseng hustisya ang hinahanap natin sa harap ng
dating pangulo na harap-harapan tayong linoko at
pinagnakawan? Anong klaseng Pilipino tayo? Anong
klaseng tao tayo?
Anong mukha ang ihaharap natin sa mga anak at sa mga
susunod na henerasyon kung ipinagpalit natin ang
pag-asang umangat ng Pilipinas sa isang araw o isang
linggong pagkain sa mesa? Hustisya nga ba talaga ang
hinahanap natin? Sa kamay ba nina Estrada, Enrile,
Miriam at mga kakuntyaba nila talagang nakasalalay ang
hustisya at kinabukasan ng bansang Pilipinas? Maawa
naman sana tayo sa ating sarili at sa henerasyong
sasalo sa pagkakamaling ito.
Hindi pa ba sapat ang ilang taon nilang
pangungulimbat, pangungurakot at pagbagsak ng
ekonomiya natin sa mga kamay nila upang magising tayo
sa katotohanang ginagamit at ginagawang tanga lang
nila tayo upang sa muli’y magkalat ng lagim sa ating
bansa?
Kailan natin bibigyan ng dignidad ang pagka-Pilipino,
maging mayaman man o mahirap? Hanggang kailan tayo
magpapaka-tanga habang nagpapakasasa sa mga mansyon,
babae, alak at/o impluwensya ang mga katulad nila?
Sila ba talaga ang representasyon ng mga mahirap?
Tanga bang talaga ang mahihirap upang ihanay ang mga
katulad nila sa mga mapagpanggap, sinungaling, at
magnanakaw ng bayan?
Umusad naman tayo, mga kapwa Pilipino. Pinagtatawanan
na tayo ng buong mundo. Hindi piknik-an o playground
ang EDSA. Hindi rin biro ang eleksyon. Sayang naman
ang pinagbunga ng paghihirap natin sa huling People
Power II upang ibalik lamang ang mga buwitre, buwaya
at bangag sa ating gobyerno.
Bantayan natin ang gobyerno at ang eleksyon, pero
hindi sa paraan ng mga may maitim at personal na
agenda para dito. Mahirap nga siguro tayong bansa,
pero huwag naman tayong magpakagagong muli at
magpadala sa tamis at talim ng dila ninaMiriam,
Enrile, Esrada, atbp. na sila ring naghulog sa atin sa
kumunoy ng kahirapan natin ngayon.
Tayo ang hinuhulog nila mula sa eroplano ng pag-asa.
Tayo rin ang binabaril ng paulit-ulit di lamang sa
Luneta kundi sa bawat piso na ninakaw nila at
nanakawin pa nila mula sa mga kamay natin kapag
ibinalik natin sila sa poder. Ano tayo, gago!
Magpasya ka, Pilipino. Pag-asang hawak na natin o
isang kalokohan na naman na dati na tayong itinapon sa
impiyerno?